Arestado mga dumukot sa 34 na sabungeros! (Latest Sabong News)
Author
Bening Batuigas
Date
SEPTEMBER 19 2023
NALAMBAT ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang anim na suspects sa pagdukot sa 34 na sabungeros sa Parañaque. Sa pagkaaresto sa mga suspect, tiyak na matutukoy na ang mastermind sa pagkawala ng mga sabungeros.
Ang pagdukot sa mga sabungeros ay nakunan ng video habang kinakaladkad ng tila mga pulis o guwardiya palabas ng sabungan. Tiyak na sa rehas na bakal masasadlak ang mga dumukot at mastermind nito.
Noong nakaraang buwan, may mga balitang inayos na ang ilang pamilya o kaanak ng missing sabungeros subalit may ilan naman ang nagmamatigas na ituloy ang kanilang pakikipaglaban haggang sa makamit ang hustisya. Ngayong naaresto na ang anim na suspects, natuwa ang mga kaanak ng missing sabungeros dahil lulutang na ang katotohanan kung sino ang utak ng pagdukot.
Isa sa mga naaresto ay si Julie Patidongan alyas Dondon na bata umano ni gambling lord Charlie “Atong” Ang. Nasa kustodiya na ng Region 4-A si Patidongan at limang iba pa na nakilalang sina Mark Carlo Zabala, Robert Matillano Jr., Johnny Consolacion, Virgilio Bayog at Gleer Codilla.
Abot langit ang pasasalamat ng mga kaanak ng 34 sabungeros sa mga pulis sa masigasig na pagkalap ng inpormasyon at paggalugad sa mga hinihinalang hide out ng anim na suspects. Tiyak na kasama sa kakasuhan ang may ari ng mga bahay na ginawang taguan ng mga suspects.
Nasagap ko rin na inoperan daw ng isang gambling lord ng P20 milyon ang pamilya ng e-sabong master agent na si Ricardo Lasco na dinukot sa San Pablo, Laguna. Pero tumanggi raw ang pamilya at ang gusto ay ilutang si Lasco.
Sa pagkakaaresto sa mga suspects, dapat saluduhan ang CIDG sa pamumuno nina MGen. Romeo Caramat Jr at Col. Jack Malinao Jr.