Mastermind sa 34 missing sabungeros, huhubaran na (Latest Sabong News)
Author
Non Alquitran
Date
SEPTEMBER 17 2023
HINDI na makatulog ang mastermind sa kaso ng 34 missing sabungeros. Beeehhh buti nga! Naaresto na kasi ng mga tauhan ni CIDG director Maj. Gen. Romeo Caramat Jr. ang anim na suspects sa pagdukot sa isinagawang operations sa Parañaque City. Kasalukuyang ipinasailalim sa tactical interrogation ang anim kaya malaki ang posibilidad na ibulgar nila ang mastermind kay Caramat. Nahuli ang anim halos kasabay sa pagkalat ng balitang naayos na ang pamilya ng ilang missing sabungeros sa halagang P25 milyon. Ano na naman kaya ang senaryo na ito? Ipiniresenta ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr. sina Julie Patidongan alyas Dondon, Mark Carlo Zabala, Roberto Matillano Jr., Johnny Consolacion, Virgilio Bayog at Gleer Codilla sa press briefing sa Camp Crame noong Biyernes. Si Patidongan ay bata ni bigtime gambling lord Charlie “Atong” Ang, ayon sa mga kosa ko. “I hope that with the arrest of these suspects those who were reportedly back out as witnesses may reconsider their position and I do believe the case is still strong,” ani Acorda. “We have enough evidence to continue with the case even with the witness already back out,” sabi pa niya.
Matatandaan na nagtago ang anim matapos mag-isyu ng arrest warrant laban sa kanila ang Manila RTC Branch 40 nung Enero 24 sa pagdukot ng mgabiktima sa sabungan na pag-aari ni Ang. Pinag-ibayo naman ng CIDG ng SITG “Sabungero” ang paghabol sa mga suspect at sa tulong ng informant, nasakote sila sa Jackielou Village at Fortunata Village sa Parañaque City ng mga operatiba ni Col. Jack Malinao Jr., ng CIDG Pro4-A. May patong na P6 milyon reward sa ulo ng mga suspects, at mapupunta ito sa informant, ani Acorda. Ambot sa kanding nga may bangs! Sa utos ni Caramat, nagtayo ng dedicated tracker teams si Malinao dalawang buwan na ang nakaraan para paigtingin ang pagtugis sa anim na suspects. Nagsagawa ng profiling at 24/hours surveillance at intelligence operation ang tracker teams at nung nakaraang mga araw na binuwenas sila. Itinuro ng informant ang kinaroroonan ng mga suspects at nasakote sila na hindi nanlaban. Walang nakuhang armas sa anim, ani Malinao. “Very erratic ang movement nila. But the last three days were very critical. Nagkaroon tayo ng window, nagkaroon ng break,” ani Malinao. Ayaw sabihin ni Malinao kung ano ang pamamaraan nila para masakote ang mga suspects. Sal-it!
Sinabi ni Malinao na inaresto rin nila sina Melchor Neri at Victorino Diocoso sa kasong obstruction of justice. Inaalam din ng pulisya kung sino ang may-ari ng mga bahay na pinagtaguan ng mga suspects para maisama sila sa kaso. Ayon kay Malinao wala pa sila sa imbestigasyon sa motibo ng pagdukot ng sabungeros. Matatandaan na ibinunyag ni DOJ Sec. Boying Remulla na may umaayos sa pamilya ni e-sabong master agent Ricardo Lasco na dinukot sa San Pablo, Laguna, sa halagang P20 milyon. Dinedma ito ng pamilya ni Lasco. Samantala, malakas ang ugong na makapagpipiyansa ang anim dahil hindi na sisipot sa korte ang pamilya ng dinukot nilang sabungero. Dipugaaaaa!